Liwanag ng Mundo - Debosyonal sa AdbiyentoHalimbawa
![Light of the World - Advent Devotional](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F9362%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Kapayapaan
Ang Prinsipe ng Kapayapaan
ni Pastor Maxim Belousov, OneHope Partner sa Ukraine
“At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” — Mga Taga-Filipos 4:7
Ang buhay sa unang-siglong Palestino ay hindi mapayapa.
Madaling isipin ang pag-uusap ng mga pastol sa paligid ng apoy habang binabantayan nila ang kanilang mga kawan noong unang gabi ng Pasko maraming taon na ang nakararaan. Hanggang kailan tayo mabubuhay sa takot? Kailan kaya ito matatapos? Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari sa atin ang mga kakila-kilabot na mga bagay? Darating pa ba ang kapayapaan sa ating bayan? Sa ating mga pamilya? Sa ating sarili?
Ngunit sa gitna ng mahihirap na tanong, pag-aalinlangan, at pag-aalala, binasag ng Diyos ang pinakamadilim na oras ng kanilang gabi kasama ang isang anghel upang bigyan sila ng katiyakan.
Sa kaluwalhatian ng Panginoon na nagniningning sa buong paligid, sinabi ng anghel sa mga pastol - at sa iyo - na ang Diyos ay hindi ignorante sa iyong mga kalagayan. Alam Niya na natatakot ka, ngunit hindi mo kailangang matakot dahil Siya ang may kontrol. Narito na ang iyong Mesiyas!
At pagkatapos ang mga sikat na salita mula sa Lucas 2:14 -
"Papuri sa Diyos sa kaitaasan,at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"
Para sa isang batang babae sa Syria na nawalan ng parehong mga magulang at isang maliit na kapatid na lalaki sa isang pambobomba, ang mga salitang ito ay nangangako na matatapos na ang digmaan.
Para sa isang ina na ang puso ay nawasak ng pagkalulong sa droga, ito'y nagpapahiwatig ng pagtatapos ng pagkakasala at isang dahilan upang umasa.
Para sa iyo at sa akin — at sa buong mundo — ito ay isang hindi mabibiling regalo sa Pasko. Tayo ay magalak at magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos: ang Tagapagligtas ay ipinanganak, at ang Prinsipe ng Kapayapaan ay dumating!
Punto ng Pagninilay
Sa pamamagitan ng kapanganakan ni Jesu-Cristo, nais ng Diyos na maranasan natin ang Kanyang walang hanggang kapayapaan at lumakad sa Kanyang biyaya. Saang mga bahagi ng buhay kailangan mong maranasan ang pangako ng kapayapaan ng Diyos? Sa anong mga tanong at pakikibaka nagbibigay ng katiyakan sa iyo ng Diyos?
Mga Kahilingan sa Panalangin
Ipanalangin ang mga Syrian refugee at iba pang nakakaranas ng kakila-kilabot na digmaan ngayong Pasko upang maranasan nila ang kapayapaan at kaginhawaan ng Diyos.
Ipagdasal ang mga pamaskong outreach ng OneHope sa Ukraine at sa buong Europa — na ang mga puso ay maging bukas sa Ebanghelyo, at maraming bata at kabataan at kanilang mga pamilya ang manampalataya kay Jesu-Cristo.
Pagdiriwang ng Pasko sa Ukraine
Ipinagdiriwang ng mga Ukrainian ang Pasko tuwing ika-7 ng Enero!
Sa Bisperas ng Pasko, nagtitipon-tipon ang mga pamilya at kaibigan para sa pagkain at masasayang pagdiriwang. Ang mga bata at matatanda ay pumupunta sa bahay-bahay na umaawit ng mga kantang pamasko, nagpapasaya sa isa't isa, at nagbabahagi ng pag-asa ni Jesu-Cristo.
Ang "Shchedryk" ay isang paboritong himig ng Pasko na isinulat ng Ukrainian na kompositor na si Mykola Leontovych noong 1914. Kilala rin ito bilang "Carol of the Bells."
Gustung-gusto ng mga kabataan ang pagsali sa lahat ng uri ng pag-awit — at maging ang pagsali sa mga flash mob — sa mga mall at abalang lansangan para sa Pasko.
Ang mga grupo ng kabataan at ang mga Sunday school ay madalas na gumagawa ng mga espesyal na pagsisikap upang maabot ang kanilang mga komunidad sa Pasko — pagbisita sa mga ospital at mga bahay-ampunan upang magbigay ng mga regalo at ibahagi ang kuwento ng Pasko. Ang mga simbahan ay naglalagay din ng mga candle light services, na palaging puno ng mga mananampalataya at mga bisita.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
![Light of the World - Advent Devotional](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F9362%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Milyun-milyong Cristiano sa buong mundo ang magdiriwang ng Pasko ngayong taon. Ang Adbiyento, isang magandang simbolikong pagdiriwang na humahantong sa Araw ng Pasko, ay isang malaking bahagi ng pagdiriwang ng Pasko sa maraming bansa. Habang binabasa mo ang kapana-panabik na Debosyonal sa Adbiyento na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong sumali at magdiwang kasama ng iyong mga kapatid mula sa malalayong bansa at matuto mula sa kanilang kakaiba at makapangyarihang pananaw at tradisyon.
More