Liwanag ng Mundo - Debosyonal sa AdbiyentoHalimbawa
![Light of the World - Advent Devotional](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F9362%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Panimula
ng Presidente ng One Hope na si Rob Hoskins
Hindi mabilang na milyon-milyong mga Cristiano sa buong mundo ang magdiriwang ng Pasko ngayong taon — tulad ng inihahanda mong gawin at ng iyong pamilya.
Marami ang magpaparangal sa espesyal na araw na ito kasama ang ilan sa iyong mga paboritong tradisyon — tulad ng pagca-caroling at mga serbisyo sa simbahan na nakasindi ng kandila. Ang iba ay mamarkahan ang kapanganakan ng Tagapagligtas sa mga paraan na kakaiba sa kanilang sariling kultura — pagkain ng mga maanghang na pagkain, pagdiriwang sa isang araw maliban sa Disyembre 25, o kahit na pagpapareserba sa Kentucky Fried Chicken!
Habang binabasa mo ang kapana-panabik na debosyonal na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong sumali at magdiwang kasama ng iyong mga kapatid mula sa malalayong bansa at matuto mula sa kanilang kakaiba at makapangyarihang mga pananaw at tradisyon.
Ang isa sa gayong tradisyon ay ang Adbiyento — isang magandang simbolikong pagdiriwang na humahantong sa Araw ng Pasko, at isang malaking bahagi ng mga pagdiriwang ng Pasko sa maraming bansa.
Kadalasang ginugunita sa pamamagitan ng pagsisindi ng isang kandila bawat Linggo sa loob ng apat na linggo, ang Adbiyento ay kaagad na nagpapakita kay Cristo bilang ang "Liwanag ng Mundo." Ang bawat kandila ay sumasagisag sa 1,000 taon — na nagpapahiwatig ng 4,000 taon na hinintay ng mundo ang kanyang Mesiyas — at may espesyal na kahulugan.
- Unang Linggo - Pag-asa. Ngayong Linggo, ang isang kulay lilang "Kandila ng mga Propeta" ay nagpapaalala sa atin na si Jesus ay darating.
- Ika-2 Linggo - Pag-ibig. Ngayong Linggo, ang isang kulay lilang "Kandila ng Bethlehem" ay nagpapaalala sa atin ng paglalakbay nina Maria at Jose sa Bethlehem.
- Ika-3 Linggo - Kagalakan. Sa Linggong ito, isang kulay rosas na "Kandila ng Pastol" ang nagpapaalala sa atin ng kagalakan na naranasan ng mundo sa pagsilang ng Tagapagligtas.
- Ika-4 na Linggo - Kapayapaan. Sa Linggong ito, ang isang kulay lilang "Kandila ng Anghel" ay nagpapaalala sa atin ng ipinangako ng mga anghel sa Lucas 2:14 — kapayapaan sa lupa.
Sa istrukturang ito ng Adbiyento, naniniwala ako na ang iyong pananampalataya ay lubos na mahihikayat habang binabasa mo ang napapanahon at nauugnay na mga mensaheng ito sa Pag-asa, Pag-ibig, Kagalakan, at Kapayapaan.
Ang bawat debosyon — na isinulat ng isang OneHope ministry partner na naglilingkod sa ibang bahagi ng mundo — ay magbibigay ng talata mula sa Banal na Kasulatan at mga pananaw na pagninilayan at tutulong sa iyo at sa iyong pamilya na ipagdiwang ang pagdating ni Cristo sa bagong paraan.
Bilang karagdagan, makakahanap ka rin ng ilang partikular na panalangin — para sa iyo at sa iyong pamilya at para sa ating pandaigdigang ministeryo na sama-samang inaabot ang mga bata at kabataan ng Salita ng Diyos na nagpapabago sa buhay — pati na rin ang mga nakakatuwang katotohanan tungkol sa mga espesyal na tradisyon ng Pasko mula sa ibang mga kultura.
Salamat sa pagdiriwang ng Adbiyento — at sa kapanganakan ni Jesu-Cristo — kasama ko at mga mananampalataya sa buong mundo! Ako ay nagpapasalamat.
Pagpalain ka ng Diyos at ang iyong pamilya ngayong Pasko. Nawa'y mapuno ito ng pag-asa, pag-ibig, kagalakan, at kapayapaang tanging si Cristo lamang ang makapaghahatid.
Pag-asa
Ang Kumikislap na Liwanag
ni Hisho Uga, Regional Director ng Peninsular Asia at Japan
“Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya?" — Mga Taga-Roma 8:24
Ang aking bayaw ay isang manunulat ng dula, at ilang taon na ang nakalilipas ay sumulat siya ng isang dula tungkol sa tatlong matandang magkakapatid na babae na nagpapalakasan ng loob sa isa't isa sa gitna ng mahihirap na kalagayan.
Ang aming buong pamilya ay natuwa nang marinig na ang isang pambansang pahayagan ay susuriin ang dula — lalo pa nang mabasa namin ang kanilang isinulat:
"Sa dulang ito, ang pag-asa ay kumikislap na parang alitaptap."
Ito ay isang magandang pagsusuri ng dula — ngunit isa ring makapangyarihang pagmamasid sa kalikasan ng pag-asa.
Ang pag-asa ay hindi isang nakasisilaw na spotlight, kundi isang kumikislap na apoy. Hindi isang tunog na nanginginig sa lupa, kundi isang maliit na bulong.
Ang ating pag-asa ay itinayo sa mga pangako ng Diyos sa Kanyang Salita — nangangako na pupunuin ng Kanyang kaluwalhatian ang lupa tulad ng tubig na sa mga dagat ... kahit na nabubuhay tayo sa isang mundo na kadalasang tila madilim kaysa liwanag. Lalo na kung nakatira ka sa mga lugar na kakaunti ang mga Cristiano, tulad ng bansang Hapon.
Ang katibayan ng ating pag-asa ay maaaring napakaliit. Minsan, hindi nakikita. Ngunit maaaliw tayo sa katotohanang si Jesus — ang ating Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon — ay nagpakita sa isang pagkakataon, sa unang gabi ng Pasko, bilang isang maliit na sanggol sa sabsaban.
Sa panahon ng Kapaskuhan, pahalagahan natin ang kagandahan ng kumikislap na liwanag na ating pag-asa — magtiwala na kahit ang maliit na liwanag na ito ay magiging simula ng isang maganda at makapangyarihang gawa ng Diyos.
Punto ng Pagninilay
Ano ang maaari mong gawin upang maging isang kumikislap na alitaptap ng pag-asa sa isang madilim na mundo? Anong maliliit na paraan ang maaaring naisin ng Diyos na gamitin ka para magkaroon ng malaking epekto ngayong Pasko?
Mga Kahilingan sa Panalangin
Ipagdasal si Hisho at ang iba pa nating mga kasama sa OneHope na naglilingkod sa mga madidilim na lugar sa buong mundo upang sila'y gamitin ng Diyos para magsiklab ng muling pagbangon at magbigay ng liwanag ng pag-asa sa makapangyarihang pamamaraan.
Ipanalangin ang mga bata sa bansang Hapon na matuklasan na ang pag-asa ng Pasko ay hindi matatagpuan kay Santa Claus kundi kay Cristo. Hilingin sa Diyos na gamitin ang kanilang pananabik para sa kapaskuhan upang ilapit ang mga mahahalagang kabataang ito at ang kanilang mga pamilya sa Kanyang sarili.
Pagdiriwang ng Pasko sa bansang Hapan
Ang mga "iluminasyon" ng Pasko ay napakasikat na atraksyon kung saan ang mga istasyon ng tren, parke, at iba pang pampublikong lugar ay naglalagay ng libu-libong magagandang ilaw.
· Mga reserbasyon sa Kentucky Fried Chicken! Ito ay maaaring kakatwa, ngunit ito ay isang napakatatag na tradisyon sa bansang Hapon. Magsisimula ang KFC sa pagkuha ng mga reserbasyon sa unang bahagi ng Disyembre — at ang mga nagpareserba lamang ang maaaring kumuha ng isang bucket ng manok para sa kapaskuhan!
· Ang Pasko ay isang pagdiriwang para sa mga mag-asawa (tulad ng Araw ng mga Puso). Ang mga kabataan ay karaniwang nakikipag-date at nakikipagpalitan ng mga regalo sa isa't isa sa halip na gumugol ng oras sa kanilang mga pamilya. Kadalasan ang mga walang ka-date para sa Pasko ay nakakaranas ng higit na pakiramdam ng kalungkutan.
· Si Santa Claus ang pangunahing tauhan sa panahong ito, sa halip na si Jesus. Sa katunayan, karamihan sa mga Hapones ay hindi alam na ang Pasko ay isang pagdiriwang ng kapanganakan ni Cristo. Gayunpaman, ang kasiyahan at pagdiriwang ay isang magandang pagkakataon para sa outreach — kasama ang mga pampublikong konsyerto sa Pasko, caroling, at mga kaganapan sa simbahan.
Ngayong taon, mamimigay ang OneHope ng mga kopya ng pamaskong edisyon ng Book of Hope sa mga mag-aaral sa paaralan at mga Christmas party sa simbahan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
![Light of the World - Advent Devotional](/_next/image?url=https%3A%2F%2Fimageproxy.youversionapi.com%2Fhttps%3A%2F%2Fs3.amazonaws.com%2Fyvplans%2F9362%2F1280x720.jpg&w=3840&q=75)
Milyun-milyong Cristiano sa buong mundo ang magdiriwang ng Pasko ngayong taon. Ang Adbiyento, isang magandang simbolikong pagdiriwang na humahantong sa Araw ng Pasko, ay isang malaking bahagi ng pagdiriwang ng Pasko sa maraming bansa. Habang binabasa mo ang kapana-panabik na Debosyonal sa Adbiyento na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong sumali at magdiwang kasama ng iyong mga kapatid mula sa malalayong bansa at matuto mula sa kanilang kakaiba at makapangyarihang pananaw at tradisyon.
More