Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa
Mga Gawa 9:10–19
Doon sa Damascus ay may isang tagasunod ni Jesus na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!” Sumagot siya, “Panginoon, bakit po?” Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daan na tinatawag na ‘Matuwid,’ at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarsus na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, at ipinakita ko sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain na pumasok ka sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay para muling makakita.” Pero sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na malupit siya sa inyong mga pinabanal sa Jerusalem. Narito siya ngayon sa Damascus at binigyan siya ng kapangyarihan ng mga namamahalang pari na hulihin ang lahat ng kumikilala sa iyo.” Pero sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Lumakad ka, dahil pinili ko siyang maglingkod sa akin, para ipakilala niya ako sa mga hindi Judio at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. At ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang danasin para sa akin.” Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa bahay na tinutuluyan nito, at pagpasok niya roon ay ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo. At sinabi niya, “Saulo, kapatid ko sa Panginoon, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus. Siya ang nagpakita sa iyo sa daan nang papunta ka rito. Inutusan niya ako rito para muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Pagkatapos, tumayo siya at nagpabautismo. Kumain siya at muling lumakas.
Karagdagan Babasahin: Mga Gawa 9:1–9; 26:12–18
Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan ni Ananias. Isa siyang tagasunod ni Jesus at hindi isang apostol, pinuno sa iglesya, o diyakono. Ngunit nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus sa isang pangitain at tinawag siya na gawin ang isang napakabigat na gawain—ang bisitahin at patungan ng kamay si Saulo, ang malupit na taga-usig ng iglesya, para makakita siyang muli. Ito si Saulo na tumulong sa mga nagpapatay kay Esteban at patuloy na nagbabanta laban sa mga disipulo ng Panginoon. Papunta dapat siya sa Damascus upang arestuhin, igapos, at dalhin ang mga tagasunod ni Jesus sa Jerusalem. Maaaring nalito at nag-alinlangan si Ananias. Bakit siya ipadadala ng Diyos sa ganitong uri ng tao? Maaaring isaalang-alang ni Ananias ang kaligtasan niya at tanggihan ang pagpunta sa kaaway. Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos na hinihintay siya ni Saulo.
Kaya sinunod ni Ananias ang Diyos, ipinatong niya ang kanyang kamay kay Saulo, at nangyari ang isang himala. Nakakita si Saulo at napuspos siya ng Banal na Espiritu. Ito ang sandaling bumago sa buhay niya tungo sa pagiging apostol Pablo, na ipinadala ng Diyos upang mabuksan ang mga mata at makalapit sa Kanya ang mga hindi Judio.
Ipinapakita ng kwentong ito na kahit sino ay maaaring gamitin ng Diyos, anuman ang kanyang pinanggalingan o katayuan sa buhay. Kahit na hindi kilala si Ananias sa iglesya, pinili siya ng Diyos para gawin ang mahalagang bagay na ito. Tulad nito, maaari rin tayong gamitin ng Diyos upang mapabuti ang buhay ng mga tao sa paligid natin, kabilang na ang mga taong hindi natin nakakasundo. Maaaring marami tayong ginagawang pagdadahilan: na wala tayong kakayahang magministeryo, na may mas nararapat kaysa sa atin, o kaya ay nagdadalawang isip tayo, natatakot, hindi mapakali, nag-iisip na hindi tayo sapat, o nanliliit. Maaari ring malagay sa alanganin ang ating reputasyon o kaligtasan.
Ngunit kapag nangyari ito, pipiliin ba nating maging handa at sumunod sa Diyos at sa Kanyang salita? Mananalig ba tayo at lalabas ng lugar kung saan tayo komportable? Kapag kinausap, pinamunuan, at ginabayan tayo ng Diyos, nawa ay tumugon tayo nang may pananampalataya, magtiwalang kikilos Siya sa atin at tutuparin ang Kanyang mga plano at layunin para sa mas dakila Niyang karangalan. Nawa’y lagi nating maalala na nasa atin ang Kanyang Espiritu na nagbibigay ng kapangyarihan upang sa oras na tawagin Niya tayo ay handa na tayong sabihin na, “Narito ako, Panginoon.” At kapag ginawa natin ito, tayo ay magiging daluyan ng himala ng Diyos, na magdadala ng kaligtasan at kagalingan sa mga nangangailangan.
- Sa simula, inilarawan ni Ananias si Saulo bilang isang taong nakagawa ng labis na kasamaan sa mga mamamayan ni Cristo. Pero kalaunan tinawag na niya itong “Saulo, kapatid ko sa Panginoon.” Sa paanong paraan mo nauugnay ang sarili mo sa pagkalito at pag-aalangan ni Ananias na magministeryo kay Saulo noong una? Sa tingin mo, paano mo mapagtatagumpayan ang mga pagdududa at takot mo sa mga sitwasyong tulad nito para sa kapakanan ng ebanghelyo?
- Sa tingin mo, ano ang itinuturo ng Diyos sa iyo tungkol sa Kanyang kapangyarihang baguhin kahit ang mga taong hindi mo inaakalang magbabago at magsasagawa ng mga layunin Niya? Paano ka magtitiwala sa kakayahan ng Diyos na kumilos sa iyo, sa kabila ng sarili mong mga limitasyon at kahinaan?
- Paano ka magiging mas handang lumabas sa lugar kung saan ka komportable at sumunod sa tawag ng Diyos na lapitan at makipag-ugnayan sa mga tao sa paligid mo, kahit pa mahirap at hindi ka komportableng gawin ito? Ano ang maaari mo pang gawin upang ikaw ay maging mas handa at mas mabilis tumugon sa ginagawa ng Diyos sa buhay mo ngayon?
Panalangin sa Kapayapaan
(“Peace Prayer” ni Saint Francis)
Panginoon, gawin Mo po akong instrumento ng Iyong kapayapaan.
Kung saan may pagkamuhi, magtatanim ako ng pagmamahal;
Kung saan may pinsala, kapatawaran;
Kung saan may pagdududa, pananampalataya;
Kung saan may panghihina ng kalooban, pag-asa
Kung saan may kadiliman, liwanag;
Kung saan may kalungkutan, kaligayahan
Dakilang Panginoon, pahintulutan Mo po na hindi ko hangarin
Ang tumanggap ng ginhawa nang higit sa magbigay ng ginhawa
Ang maunawaan nang higit sa makaunawa
Ang mahalin nang higit sa magmahal
Dahil sa pagbibigay tayo nakatatanggap,
Sa pagpapatawad tayo napapatawad
At sa pagkamatay tayo nabibigyan ng buhay na walang hanggan.
Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng taon, tayo’y nagsasama-sama upang mag-ayuno at ipanalanging makilala ang Diyos sa buhay natin at ng mga tao sa paligid natin. Sa pangangaral ng Kanyang salita, binibigyan Niya tayo ng kakayahang maging daluyan ng mga himala para sa ating mga ugnayan at komunidad. Pag-isipan kung paano tayo ginagamit ng Diyos upang makilala Siya sa pamamagitan ng mga himalang nagpapalaganap ng Kanyang kaharian.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/