Miracles | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa
Mga Gawa 1:1–8
Minamahal kong Teofilus: Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Diyos Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.” Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”
Karagdagang babasahin: Lucas 24:44–48; Mga Gawa 2:1–21
Naisip mo ba kung ano kaya ang naramdaman ng mga disipulo matapos ang muling pagkabuhay ni Jesus? Si Jesus, ang kanilang Panginoon, na alam nilang ipinako sa krus at inilibing, ay nagpakita sa kanila sa loob ng apatnapung araw. Ipinakita Niya sa kanila ang maraming katibayan na nagpapatotoo na Siya nga ay buhay at ang lahat ng nangyari sa Kanya ay nakatala bilang mga propesiya sa Kasulatan, kasama na ang Kanyang paghihirap at muling pagkabuhay.
Sa loob ng apatnapung araw, sinabihan Niya sila tungkol sa kaharian ng Diyos, ang pamamahala at paghahari ng Diyos sa buhay at puso ng mga tao, na nagdudulot ng pagbabago. Sinabi ni Jesus na nalalapit na ang kaharian ng Diyos at ganap itong maitatatag sa muli Niyang pagbabalik sa kaluwalhatian upang hatulan ang mundo at baguhin ang lahat ng bagay.
Tinanong ng mga disipulo si Jesus kung oras na ba para ibalik Niya ang kaharian sa Israel, na sa pagkakaintindi ng mga Judio ay bahagi ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Iniisip nila na ang itatatag ni Cristo sa mundo ay isang politikal na kaharian at sa pamamagitan nito ay pamamahalaan Niya ang lahat ng bansa. Ngunit hindi sinagot ni Jesus ang tanong na ito, at sinabi Niyang hindi nila kailangang malaman kung kailan ito mangyayari. Lilisan nang sandali si Jesus at hindi nila malalaman kung kailan Siya babalik. Sa halip, ang dapat nilang pagtuunan ng pansin ay ang pagbibigay ng patotoo tungkol sa Kanya sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa lahat ng dako ng mundo. Nangangahulugan ito ng patuloy nilang pakikibahagi sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng pangangaral at pagpapakita ng katotohanan.
Maaaring kinabahan sila sa nalalapit na paglisan ni Jesus, dahil hindi pamilyar sa kanila ang epekto nito, at makikipagkilala sila sa mga taong mula sa iba’t ibang kultura at relihiyon. Maaaring nagbibigay sila ng kani-kanilang mga kadahilanan: marahil ay marami sa kanila ang hindi pa nakakapaglakbay sa labas ng Judea at Samaria; ang iba ay nang-iwan kay Jesus at nagpuntahan sa iba’t ibang lugar dahil sa takot; ang iba naman ay hindi pa dalubhasa sa relihiyon, ‘di tulad ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang pagdala ng ebanghelyo hanggang sa dulo ng mundo ay maaaring isang napakalaking gawain para sa kanila. (Isipin mo na lang kung ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang nasa kalagayan nila.)
Pero muling sinabi sa kanila ni Jesus ang tungkol sa katiyakan ng ipinangako Niyang Banal na Espiritu. Hindi sila kailanman mag-iisa dahil matatanggap nila ang Banal na Espiritu. Ang presensya Niya ay higit pa sa kailangan nila upang magkaroon ng lakas ng loob at kapangyarihang maging saksi ni Jesus. Ang salitang Griyego para sa “kapangyarihan” ay dunamis, na ilang beses na isinalin sa mga aklat ng Ebanghelyo at Mga Gawa bilang “mga himala,” “kahanga-hangang bagay,” at “mahimalang kapangyarihan.” Kikilos ang Banal na Espiritu sa pamamagitan nila kung paano rin Siya kumikilos sa pamamagitan ni Jesus, upang maipahayag nila si Jesus sa mundo.
Matapos ang ilang araw, nangyari ang ipinangako ni Jesus. Naranasan nila ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu at nagsalita sila sa iba’t ibang mga wika na hindi naman nila pinag-aralan. Nagbigay ito kay Pedro ng pagkakataong maipangaral ang ebanghelyo sa maraming Judio na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa imperyo ng Roma. Tunay ngang kumilos ang Diyos sa kanila upang maipahayag ang ebanghelyo, at maipakita sa pamamagitan nila ang mahimala Niyang kapangyarihan.
Ngayong linggo, habang pinag-iisipan natin kung paano nabigyan ng kapangyarihan ng Espiritu ang iba’t ibang klase ng disipulo upang maipahayag ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos at maging daluyan ng Kanyang himala, asahan nating papatibayin ng Diyos ang ating pananampalataya. Habang patuloy nating nakikita ang pagkilos ng Diyos, tayo rin ay nagiging daluyan ng Kanyang kapangyarihan, upang si Cristo ay makilala sa buong mundo.
- Ipanalangin na marinig mo ang Diyos sa tuwing mangungusap Siya sa iyo habang ikaw ay nananalangin, nag-aayuno, at naghahangad na makilala Siya ngayong linggo.
- Isulat ang hindi bababa sa sampung limitasyon at kakulangan mo sa pagiging saksi para kay Cristo. Pagkatapos, isa-isa mong ekisan ang mga ito at isulat sa tabi nito ang, “Mapagtatagumpayan dahil sa presensya at kapangyarihan ng Espiritu.”
- Maglista ng tatlo hanggang limang taong kilala mo na nangangailangan ng isang himala at maaari mong kausapin tungkol sa ebanghelyo. Ipanalangin sa Diyos na bigyan ka ng pagkakataon para maipagdasal ang mga kailangan nila at matulungan sila ngayong linggo. Magtiwalang tutugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila sa makapangyarihang paraan.
Panalangin
Ama ng kaluwalhatian, nawa’y mabuksan ng Iyong Espiritu ang mga mata ng aking puso upang makilala Ka, makilala ang pag-asa kung saan mo kami tinawag, at makilala ang kadakilaan ng Iyong kapangyarihan para, at sa pamamagitan, naming mga naniniwala sa Iyo. Bigyan Mo ako ng
Kakayahang maipagpatuloy nang buong tapang ang pagpapahayag ng Iyong salita habang Ikaw ay kumikilos at nagpapagaling ng mga may karamdaman, at gumagawa ng mga senyales at kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng pangalan ng Iyong banal na tagapaglingkod na si Jesus. Nagpapasalamat ako na lagi kong kasama ang Iyong Espiritu. Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng taon, tayo’y nagsasama-sama upang mag-ayuno at ipanalanging makilala ang Diyos sa buhay natin at ng mga tao sa paligid natin. Sa pangangaral ng Kanyang salita, binibigyan Niya tayo ng kakayahang maging daluyan ng mga himala para sa ating mga ugnayan at komunidad. Pag-isipan kung paano tayo ginagamit ng Diyos upang makilala Siya sa pamamagitan ng mga himalang nagpapalaganap ng Kanyang kaharian.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/