The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa
Ang Lihim na Disipulo
BASAHIN
Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. . . . Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.
Juan 19:38, 41–42
Karagdagang Babasahin:
Mateo 27:57–61; Marcos 15:42–47; Lucas 24:50–53
PAG-ISIPAN
“Tapos na.”
Ito ang mga huling salita ni Jesus bago Siya malagutan ng hininga. Para sa Kanyang mga tagasunod, ang kamatayan Niya ay isang napakasakit na karanasan. Para sa mga Judio at mga relihiyosong tao, ang ibig sabihin nito ay sa wakas, nakuha nila ang nais nila. Natupad ang mga salitang “Ipako Siya.” Pagkatapos mangyari ang lahat ng mga ito, may isang di-kilalang lalaki ang buong tapang na humiling na makita ang kanyang guro at mabigyan ng dangal ang Kanyang kamatayan.
Kaunti lamang ang alam natin tungkol kay Jose na taga-Arimatea. Mayaman siya at matuwid, iginagalang ng marami, at higit sa lahat, isa siyang disipulo ni Jesus. Habang nagtatago ang ibang mga disipulo dahil sa takot, si Jose ang isa sa ilang lumapit sa lugar kung saan ipinako si Jesus.
Matinding lakas ng loob ang hinugot ni Jose para lamang pumunta doon, lalo na para mahingi ang katawan ni Jesus mula sa mga kinauukulan. Maaaring isumbong si Jose ng sinumang may masamang intensyon. Maaaring pagdusahan din niya ang parusang ibinigay kay Jesus. Nakataya ang yaman, reputasyon, at katauhan niya. Ngunit hindi nag-alinlangan si Jose at nakuha niya ang katawan ni Jesus mula kay Pilato.
Umpisa pa lamang iyon. Dahil nangyari ang lahat sa Araw ng Paghahanda, kailangang mailibing ni Jose ang katawan ni Jesus bago dumating ang Araw ng Pamamahinga. Isipin natin kung ano ang mga nararamdaman at iniisip niya! Kailangan niyang alamin kung ano ang dapat niyang gawin sa katawan ni Jesus dahil kung hindi niya ito magagawa sa tamang oras, mahuhuli siyang lumalabag sa batas. Mabuti na lamang at nakahanap siya ng libingan na hindi pa napapaglibingan.
Noong panahong ito, ordinaryo lamang ang pagdadala ng bangkay sa libingan. Inihanda ni Jose ang katawan ni Jesus para mailibing. Ang hindi niya alam, ito ang panimula at makahulugang paghahanda para sa mga susunod na mangyayari at ang libingang ito ay ang lugar kung saan magaganap ang pinakamahimalang pangyayari—ang pagkabuhay muli ni Jesus. Si Jesus, na patay noong mga oras na iyon, ay mabubuhay muli at pagtatagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan.
Habang pinag-iisipan natin ang salita ng Diyos ngayong linggo, alalahanin natin na Siya ang nagbibigay ng katapangan at lakas ng loob upang mapagtagumpayan natin ang pinakamahihirap na sitwasyon. Hindi kamatayan ang nasusunod—kaya hinihintay natin ang pagkilos ng Panginoon!
TUMUGON
- Sa tingin mo, bakit isang lihim na disipulo si Jose? Ano sa tingin mo ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob? Ano kaya ang iniisip, nadarama, at dinaranas niya bago mamatay si Jesus at matapos ang Kanyang muling pagkabuhay?
- Alam ba ng mga tao sa paligid mo na ikaw ay isang disipulo ni Jesus? Ano ang natutuhan mo ngayong araw tungkol sa buhay ni Jose?
- Sa harap ng mga pagsubok at paghihirap, paano ka tumutugon? Gagawin mo rin ba ang ginawa ni Jose? Bakit oo o bakit hindi?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/