Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana SantaHalimbawa

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

ARAW 3 NG 8

Ang Kapitan

BASAHIN

Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. . . . Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming banal ang muling nabuhay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila. Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!”
Mateo 27:45, 50–54

Karagdagang Babasahin:

Marcos 15:33–39; Lucas 23:44–49; Zacarias 12:10; Pahayag 1:7

PAG-ISIPAN

Sa mga huling araw ni Jesus, itinala ng mga sumulat ng Ebanghelyo ang mga hindi pinangalanang kawal at ang naging bahagi nila sa paglalakbay ni Jesus patungo sa krus. Kinutya Siya ng iba, dinuraan, pinalo, at tinanggalan ng damit (Mateo 27:27–31). Ang talata ngayon ay tungkol sa isa sa mga kawal—ang kapitan. Ang kapitan ay isang kawal ng sandatahang Romano na siyang responsable sa pamamahala ng isang daang kawal. Ang natatanging kapitan na ito ang inatasang magpatupad ng hatol na kamatayan para kay Jesus—isang gawain na maaaring hindi na bago sa kanya. Dahil bahagi ito ng kanyang trabaho, maaaring marami na siyang nasaksihang paghihirap at kamatayan. Ang araw ng pagpako kay Jesus ay isang ordinaryong araw lang para sa kanya, hanggang sa makita niya ang mga mahimalang bagay na naganap sa kamatayan ni Jesus.

May kadiliman sa buong lupain, ang kurtina ng templo ay napunit sa dalawa, lumindol, nagbitak-bitak ang mga bato, at nabuksan ang mga libingan. Nang makita ng kapitan ang mga bagay na ito, nasindak siya (Mateo 27:54). Noong una, ang tingin lamang ng kapitan kay Jesus ay isang ordinaryong kriminal na kailangan niyang bantayan. Ngunit nang sinundan ng mga kakaibang pangyayari ang pagkamatay Niya, nakita ng kapitan kung sino talaga si Jesus. Gaya ng itinala nila Mateo, Marcos, at Lucas, idineklara ng kapitan na, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” (Mateo 27:54); “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!” (Marcos 15:39). Higit pa rito, itinala ni Lucas na noong makita ng kapitan ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabing, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito” (Lucas 23:47).

Hindi binanggit ng Kasulatan kung ang kapitan ba ay nagsisi, naligtas, at nanalig kay Jesus. Ngunit, dahil sa mga nangyari, nakita niya na si Jesus ang Anak ng Diyos at Siya ay walang kasalanan—hindi isang ordinaryong tao. Nasaksihan ng kapitan ang himala, at ito ang nag-udyok sa kanyang ipahayag kung sino si Cristo.

Gaya ng kapitan, maaaring mapalapit ang mga tao kay Cristo kapag nakakita sila ng mga kamangha-manghang bagay. Dahil sa himala, nagiging mas kaaya-aya si Cristo at ang ebanghelyo sa mga taong malayo sa Kanya.

Mula sa kwento ng kapitan, makikita natin na ang mga himala ay inilaan para ipakita si Cristo sa mga tao. May mga tao sa paligid natin, na gaya ng kapitan, ay maaaring maakay palapit kay Jesus kapag nakaranas sila ng himala at kahanga-hangang bagay. Kapag nangyayari ang mga kahanga-hangang bagay sa buhay natin, ito ay para makita at makilala ng mga tao si Jesus at mapalapit sila sa Kanya.

TUMUGON

  • Sa muli nating pag-aaral ng mga himalang pumapalibot sa kamatayan at pagkabuhay muli ni Jesus, hayaan nating akayin tayo nito tungo sa pagpapahayag kung sino Siya—ang Anak ng Diyos na namuhay nang walang kasalanan at namatay para sa atin, kapalit natin. Sa sarili mong salita, pasalamatan ang Diyos at ipahayag kung sino Siya sa iyong buhay.
  • Ang layunin natin ay hindi lamang para makaranas ng mga himala, kundi maranasan mismo si Jesus at lumago sa katatagan at sa kabanalan. Ipanalangin na sa paggawa ng Diyos ng mga kahanga-hangang bagay sa buhay mo, magkakaroon ka ng mas malalim at mas malapit na ugnayan sa Kanya araw-araw.
  • Sino ang mga tao sa paligid mo na maaaring makasaksi ng mahimalang gawain ng Diyos? Ipanalangin na ipakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa kanila sa personal na paraan.
Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

The Day Death Died: Isang Debosyonal para sa Semana Santa

Taun-taon, naglalaan ang buong mundo ng isang linggong pagdiriwang sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Bilang isang iglesya, tingnan natin ang iba’t ibang pananaw ng mga tao na nakapalibot sa mga pangyayaring naganap noong araw ng kamatayan ng ating Panginoon at Tagapagligtas at kung paano rin natin mararanasan sa kasalukuyan ang panibagong buhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/