Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa
Ang Salita ng Diyos ang Nagbubunga
Basahin ang Juan 15:4–5, 7–8, 16
“Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin . . . Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo. . . . Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.”
Nitong mga nakaraang araw, nakita nating ang salita ng Diyos ay tulad ng ulan na nagpapalago sa atin, Kanyang hininga na nagbibigay-buhay sa atin, at apoy na nagbibigay sa atin ng tapang upang maipangaral ang ebanghelyo. Habang patuloy tayong nananatili kay Cristo at sa Kanyang salita, ang hindi maiiwasang resulta nito ay ang pagkakaroon ng bunga ng ating mga buhay. Kapag tumugon tayo sa pagpuputol na ginagawa ng Diyos, na tumutukoy sa salita Niyang kumikilos sa buhay natin, tayo ay mas magiging mabunga.
Sa kontekstong ito, ang salitang bunga ay ginamit bilang talinghaga na tumutukoy sa lahat ng nagawa kasama ni Cristo, bilang isang mananampalataya (sanga) na namumuhay sa piling ni Cristo (ang Puno ng Ubas). Ang bunga ay ang kapansin-pansing patunay na kumikilos ang Diyos sa ating buhay at sa pamamagitan natin. Ang bunga ng Banal na Espiritu (Mga Taga-Galacia 5:22–23) ay ang ginawa ng Diyos na nagdudulot sa buhay natin ng pag-uugaling katulad ng kay Cristo. Ang bunga ay kumakatawan din sa mga mabubuting gawa na pinahahalagahan ng Diyos dahil nagbibigay ito sa Kanya ng karangalan. Tinukoy ni apostol Pablo ang katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo (Mga Taga-Filipos 1:11), ang lumalago sa mabubuting gawa (Mga Taga-Colosas 1:10), at ang taong naliwanagan na kakikitaan ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan (Mga Taga-Efeso 5:9). Hindi ito bunga ng sarili nating pagsusumikap o kakayahan. Ito ay pag-uumapaw mula sa isang malago at matatag na ugnayan kay Cristo. Ang bunga sa buhay natin ay kung paano napararangalan ang Diyos dito sa lupa at kung paano tayo nakikila ng iba bilang mga tagasunod Niya.
Ang pamumunga ay isang proseso na nangangailangan ng panahon. Ngunit habang patuloy nating isinusuko ang ating buhay sa Panginoon at nananatiling konektado sa Puno ng Ubas, ang ating buhay ay hindi lamang magiging mabunga kundi mamumunga nang marami.
Pinili tayo ni Jesus hindi lamang upang magkaroon ng maraming bunga kundi upang magkaroon ng mga bungang magtatagal. Ang bunga ng pagkakaroon ng pag-uugaling natutulad kay Cristo ay hindi pansamantala lamang, kundi magtatagal magpakailanman. Ang bunga ng mabubuting gawa na ginawa natin kasama ni Cristo ay hindi lang para sa buhay dito sa mundo. Ang mga ito ay may walang hanggan kahalagahan at makakatanggap ng walang hanggang gantimpala.
Kapag nananatili sa atin ang salita ng Diyos, nagkakaroon ng maraming bunga sa ating buhay na MAGBIBIGAY NG KARANGALAN SA DIYOS.
1. Bilang tagasunod ni Cristo, sa palagay mo ba ay namumunga ang buhay mo? Sa tingin mo, paano ka mas mamumunga at mamumunga nang marami ngayong taon?
2. Kanino mo maipapangaral ang ebanghelyo ngayong buwan? Isulat sa ibaba ang pangalan ng tatlo hanggang limang kaibigan, kaklase o katrabaho, kapitbahay, at kamag-anak. Paano mo sila maipapanalangin magmula ngayon?
“Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo.” JUAN 15:7–8
Ama sa langit, dinadalangin ko na bigyan po Ninyo ako ng kakayahang manatili sa Inyong salita upang mamunga ang aking buhay. Salamat po, Panginoon, dahil habang patuloy akong nililinis at pinuputulan ng Inyong salita, marami pang tao ang makakakita ng bunga ng Espiritu sa buhay ko. Sa pagpapakita ko ng pag-uugaling tulad ng kay Cristo, nawa’y humantong ito sa mga pagkakataon kung saan maibabahagi ko ang Inyong salita sa mga tao na magiging mga tagasunod din ni Cristo. Ito ang idinadalangin ko sa pangalan ni Jesus, amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, maglaan tayo ng panahon para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, magtalaga ng ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi maging ang kakayahan Niyang magpakumbaba, at magpakababa nang mas mababa pa sa antas natin, upang tayo ay iligtas at paglingkuran.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://church.victory.org.ph/