Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng TaonHalimbawa

Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

ARAW 1 NG 5

Ang Salita ng Diyos ay Pumuputol

Basahin ang Juan 15:1–4

Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.”

Ang tagapag-alaga ng ubasan ay hindi lang isang karaniwang magsasaka na nagtatanim at umaani. Dapat ay alam niya ang lahat ng tungkol sa ubas at kung paano aalagaan ang mga ito. Noong nagsalita si Jesus tungkol sa ugnayan sa pagitan ng tagapag-alaga ng ubasan at puno ng ubas, makikita natin ang saloobin ng ating Ama sa langit para sa atin na mga anak Niya. Inaalagaan Niya tayo, kilala Niya tayo, at inaaruga Niya tayo.

Kapag inaaruga ng tagapag-alaga ng ubasan ang puno at mga sanga ng ubas, pinuputulan at tinatanggalan niya ang mga ito ng mga bagay na maaaring humadlang sa pagkakaroon nila ng mga bunga. Tulad nito, kapag may pinuputol ang Diyos sa ating buhay, tinatanggal Niya ang mga bagay na makahahadlang sa ating paglago at pagiging mabunga. Ginagawa Niya ito gamit ang Kanyang salita. Makikita natin sa Juan 15:3 na tayo’y nililinis Niya sa pamamagitan ng Kanyang salita. Ang salita Niya ang nagpapakita sa atin kung paano maging tulad ni Cristo at kung anong aspeto ng buhay natin ang kailangang magbago upang lalo tayong maging katulad ni Cristo.

Bilang tugon sa pagnanais ng Diyos na magkaroon ng mapagmahal at mapag-arugang ugnayan sa atin, nananatili tayo kay Cristo. Ang ibig sabihin nito ay may pagtitiwala, pananalig, at pagsunod ang ugnayan natin sa Kanya. Ang pagpuputol na ginagawa ng Diyos ay maaaring masakit at mahirap, ngunit ang ating patuloy at nagtatagal na ugnayan sa Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kakayahan upang magbago.

Bago pa man tayo nakipag-ugnayan sa Diyos, Siya ang unang gumawa ng hakbang upang makipag-ugnayan sa atin. Oo, nananatili tayo sa Kanya, ngunit ang mas mahalaga ay nananatili Siya sa atin.

Habang tayo ay nananalangin at nag-aayuno ngayong linggo, naglalaan ng panahon upang pag-isipan ang salita ng Diyos gamit ang ating debosyonal, at nakikilahok sa mga prayer meeting o pagtitipon para sa pananalangin sa ating iglesya, titingnan natin ang iba’t ibang mga imahe o paglalarawan na nagpapakita ng kapangyarihan at kagandahan ng salita ng Diyos. Makikita natin kung paano pinuputol ng salita ng Diyos ang mga dapat matanggal sa ating buhay at kung paano tayo binabago ng Kanyang salita. Iba-iba ang hitsura ng pagpuputol na ito sa lahat sa atin—kumikilos ang Diyos sa iba’t ibang bahagi ng ating buhay at iba’t iba ang mga itinakda Niyang panahon. Ang ibang pagpuputol ay agaran o mabilisan, samantalang ang iba naman ay inaabot ng mas mahabang panahon.

Sama-sama nating tanggapin ang ginagawang pagpuputol ng Diyos UPANG MAGING TULAD TAYO NI CRISTO ARAW-ARAW.

1. Anong bahagi ng buhay mo ang nangangailangan ng pagpuputol na ginagawa ng Diyos? Paano ka tutugon sa mga ginagawa ng Diyos sa buhay mo ngayon?

2. Para sa nalalabing buwan ng taong ito, ano ang mga gusto mong baguhin sa ugnayan mo sa Diyos? Bakit ito mahalaga sa iyo?

3. Sino ang makakasama mo sa pananalangin at pag-aayuno ngayong linggo? Maglaan ng panahon ngayong linggo upang pag-usapan kung paano ninyo mapalalakas ang loob ng isa’t isa.

Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.” JUAN 15:1–4

Ama sa langit, salamat po dahil sinimulan Ninyo ang mapagmahal na ugnayan na mayroon ako ngayon sa Inyo. Ipakita po Ninyo sa akin ang mga bahagi ng buhay ko na nangangailangan ng ginagawa Ninyong pagpuputol, at habang ginagawa Ninyo ito, tulungan po Ninyo akong maging mapagpakumbaba upang matanggap at masunod ko ang Inyong salita. Turuan po Ninyo akong manatili sa Inyong katotohanan at mamuhay sa Inyong kaparaanan.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Abide | Pananalangin, Pag-Aayuno, at Pagtatalaga Sa Kalagitnaan Ng Taon

Sa simula at kalagitnaan ng bawat taon, maglaan tayo ng panahon para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, magtalaga ng ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Ipinapakita ng Kanyang kamangha-manghang kadakilaan hindi lamang kung gaano Siya kalaki, kundi maging ang kakayahan Niyang magpakumbaba, at magpakababa nang mas mababa pa sa antas natin, upang tayo ay iligtas at paglingkuran.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://church.victory.org.ph/