Pagsasalitang Nagbibigay-buhayHalimbawa

Social Media
Hindi ko matatapos itong PAGSASALITANG NAGBIBIGAY-BUHAY na gabay ng Biblia na hindi nagbibigay komento tungkol sa mundo ng Social Media na kinabibilangan natin. Walang pagdududa, ang social media ay may MALAKING impluwensya sa ating saloobin, at samakatuwid, sa ating pag-iisip. Ito ay isang nangingibabaw na pinagmumulan ng impormasyon. Isinaalang-alang mo na ba ang positibong, nakakapagbigay-buhay na kahalagahan ng social media laban sa negatibo at mapanirang bitag na madalas nga ay ganyan?
Maraming mga tao ngayon ang nagdurusa sa pagkabalisa at matinding kalungkutan. Naniniwala ako na ito ay dahil sa napakaraming negatibong impormasyong pumapasok at sa kakaunting nagbibigay-buhay na oras sa kalikasan at sa Salita ng Diyos. Maging TV, FB account, Twitter account o Instagram account man ito, kailangan mong pag-isipan ang oras na ibinibigay mo sa mga ito. Marami sa atin ang magugulat malaman kung ilang oras tayong nakaharap sa screen para sa mga bagay na ito. Huwag mo akong intindihin nang mali, naniniwala rin ako na may ibang mga nagbibigay-buhay na mga larawan, mga post at mga video na makikita. Pero, kadalasan, pinupuno natin ang ating mga isipan ng basura, pagluwalhati sa sarili, at mga mapilit na opinyon ng iba sa pamamagitan ng napakaraming negatibong impormasyon. Marami sa atin ay walang alam tungkol sa ugnayan ng oras na ginugugol sa harap ng screen at depresyon. Karamihan sa atin ay hindi iniisip na kung ano ang PUMAPASOK ay may epekto sa kung ano ang LUMALABAS. Hindi natin kailangan alalahanin ang opinyon ng iba kundi ang sa Diyos lamang.
Ang mundong ito, ang balita at ang mga nangyayari ay maaring magparamdam sa atin na tila tayo ay naglalakad sa isang disyerto o tuyong kaparangan. Ang ating mga kaluluwa ay nauuhaw sa buhay na kailangang pakainin ng pagkaing nagbibigay-buhay. Ang Kanyang Salita. Ang Kanyang nilikha. Ang Kanyang pakikisama. Nalulungkot ka ba dahil sa paglalakad nang matagal sa disyerto o tuyong kaparangan ng social media at oras na ginugugol sa harap ng screen? Lumapit ka sa nabubuhay na tubig at hayaang pawiin Niya ang kauhawan ng iyong kaluluwa. Patayin ang mga screen at buksan ang Salita ng Diyos. Pakiusapan mo Siya na makipagtagpo sa iyo doon at gawing buhay ang Kanyang Salita. Pagkatapos ay lumabas ka. Maglakad. Magpalipad ng saranggola. Magbasa ng magandang libro. Makipagkita sa isang kaibigang nagbibigay-buhay.
Maaari ba kitang hamunin na magpahinga mula sa social media? Ipagdasal mo na malaman mo kung kailan ito gagawin at kung gaano katagal. Ito ay magiging isang pag-aayuno. Pagkatapos, kung sa tingin mo ay may halaga ang pagpapahingang ito, mangakong lagyan ng limitasyon ang iyong pagbabalik sa social media. Isaisip ang pagpo-post ng mga nakakaangat o mga nilalamang nakasentro kay Cristo. Dahil sa labis na pagkakahati-hati ng ating bansa, magbigay ng mga bagay na magbibigay-aral, inspirasyon at mangusap ng buhay sa isang mundong nasasaktan.
Ang buhay ay maaring maging mas simple at hindi masyadong puno ng stress. Maaari tayong magkaroon ng mas malaking pag-asa. Sa halip na gamitin ang oras sa pagbabasa sa screen ng mga bagay na hindi mahalaga ay gamitin na lang ang oras na ito sa Diyos na napakahalaga!
Kung gusto mong mamuhay, magsalita at magbigay buhay nang lubusan, dapat pag-isipan mo kung ano ang PUMAPASOK sa iyong mga araw. Baguhin mo ang pumapasok sa isipan mo, mababago mo rin ang lumalabas. Ang buhay natin ay panandalian lang. Magsimula ka na NGAYON.
Pagnilayan: Papaano mo mababawasan o tuluyang matatanggal ang oras sa social media? Ano ang ibang mga pwede mong gawin na mapakikinabangan sa iyong sobrang oras?
Panalangin: Oh Panginoon! Tulungan mo akong bawasan ang oras ko sa harap ng screen at dagdagan ang aking oras sa Iyo. Gusto kong mamuhay nang matapang at magsalita ng buhay sa mga puso ng ibang tao. Alam kong ito'y magsisimula sa akin.
__________________________________________________________________
TALA PARA SA KATAPUSAN NG GABAY: Ang masidhing pagnanasa ni Roxanne ay ang makapagsalita ng mga katotohanang nagbibigay-buhay sa puso ng ibang tao. Gustong-gusto niya ang pagsasalita sa mga retreat at mga kombensyon. Siya ay namumuno ng kanyang sariling MAS MALALIM at masinsinang mga workshop at tumutulong sa mga kliyente sa buong bansa bilang isang personal na tagapayo. Pwede kang makipag-ugnayan sa kanya, bumili ng kanyang bagong aklat at kumuha ng karagdaganag impormasyon sa RoxanneParks.com. Isang karangalan sa kanyang makipag-ugnayan sa iyo.
Tungkol sa Gabay na ito

Mga salita, salita, salita, mga salitang puno ng kapangyarihan! Mga salitang makakabuti o mga salitang makakasira. Nasa atin ang pagpili. Siyasatin natin ang makabuluhang kapangyarihang taglay ng ating mga salita.
More