Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagsasalitang Nagbibigay-buhayHalimbawa

Speaking Life

ARAW 4 NG 6

Pakikipag-usap sa Sarili 

Ang pinakamalakas na tinig nating naririnig ay ang sarili nating tinig. Ang tinig sa loob natin…ang pakikipag-usap natin sa sarili. Napakatahimik, ngunit napakamakapangyarihan. Ang pakikipag-usap sa sarili ay taos. Ang pakikipag-usap sa sarili ay isang bagay na natural nating ginagawa sa kabuuan ng mga oras na gising tayo. Ito ay isang uri ng neuro-linguistic programming. Dahil ito'y paulit-ulit na nagaganap, ito ay maaaring humugis at humubog ng ating kamalayan.

Ang kaaway natin ay isang maninira. Gawain niyang magdala ng mga kasinungalingan mula sa ating pagkabata at kumbinsihin tayong ang mga bulaang paniniwalang ito ay ating katotohanan. Ang tanging katotohanan patungkol sa atin ay ang sinasabi ng ating Diyos, ang Tagapaghugis, Nakakaalam, Tagapagdisenyo, Manlilikha, patungkol sa atin. Kaya ba nating makita ang kaibahan ng dalawang tinig na ito? Ang isa'y naghahatid ng buhay at ang kabila nama'y naghahatid ng kamatayan, karaniwa'y isang mabagal at mahirap na kamatayan. 

Natalakay na natin kung paanong ang ating mga iniisip ay nagiging ating mga salita. Pagkatapos ay naririnig natin ang ating "sarili" na nagsasalita patungkol sa ating "sarili.” Ang ating sinasabi ay madalas nagiging ating reyalidad. Kung iisipin/sasabihin natin na tayo ay tanga, bobo o mataba malamang ay mamumuhay tayo sa paraang sinasalita natin. Ano kaya kung sasang-ayon tayo sa ating Manlilikha at ituturing ang ating mga sarili na hinugis nang kahanga-hangang tunay? Isang obra maestra? Isang anak ng Hari? Mamumuhay kaya tayo sa ibang paraan? Kapag iniba natin ang ating pag-iisip, maiiba ang ating pamamaraan ng pamumuhay. Ang pagbabago ng pamamaraan mong mag-isip ay magbabago ng iyong perspektibo na magbabago ng iyong mga sinasabi at kung paano ka kikilos sa mundo.

Positibong pakikipag-usap sa sarili: Mas nagkakaroon ng kamalayan ang mga tao na ang positibong  pakikipag-usap sa sarili  ay isang makapangyarihang kasangkapan sa pagpapaunlad ng ating  kumpiyansa sa sarili at pagpigil sa mga negatibong emosyon. Ito'y isang kahanga-hangang estratehiya para sa pagbabago. Ang mga positibong salita ay makakabuti sa ating kalusugan dahil dinadagdagan nito ang ating kumpiyansa, pinapaigi ang kalagayan ng ating loob, inaalis ang pagkabahala at pinapabuti ang kalusugan ng ating puso at kagalingan. Ang mga taong magagawang isakatuparang mabuti ang positibong pakikipag-usap sa sarili ay ipinapalagay na mas may kumpiyansa, may pagkukusa, at produktibo. Nilikha tayo ng Diyos para sa buhay at buhay na masagana at ganap. Humahanay ba ang iyong pakikipag-usap sa sarili sa Kanyang plano at mga Salita patungkol sa iyo?

Negatibong pakikipag-usap sa sarili: Nagkakaroon din tayo ng kamalayan ng mga epekto ng ating panloob na kritiko, ating negatibong pakikipag-usap sa sarili. Ang negatibong pakikipag-usap sa sarili ay may impluwensya sa iyong pagpapahalaga sa saril, iyong pananaw sa buhay, iyong antas ng sigla, iyong mga relasyon, at pati iyong kalusugan. Sa pagbibigay-pansin sa negatibong pakikipag-usap sa sarili, makakaya nating simulan ang kinakailangang proseso ng paghinto ng mapaminsalang kagawiang ito. Oras nang patahimikin ang negatibong tinig na iyan sa ating ulo at magsalita ng katotohanan sa ating mga buhay.

Mahalaga ang pakikipag-usap natin sa sarili. Bigyan ng pansin. Mas madalas kaysa hindi, karaniwang gawain na ang magsalita nang negatibo patungkol sa iyong sarili at sa iyong sarili na hindi mo na namamalayan na ginagawa mo ito. Ano kaya, kung sa susunod na dalawampu't apat na oras, gumugol ka ng panahong bigyang-pansin ang iyong mga iniisip at obserbahan kung paano ka magsalita patungkol sa iyong sarili? Taos na magpasyang alisin ang negatibong pakikipag-usap sa sarili. Pagkatapos ay ihanay ang iyong mga iniisip at sinasabi sa Kanyang mga katotohanang puno ng kapangyarihan.

Pagnilayan:

Sa anong mga paraan mo maihahanay ang iyong pakikipag-usap sa sarili sa mga sinasabi ng Diyos patungkol sa iyo? Mabait ka ba sa sarili mo? Alam mo ba at binibigkas ang iyong pagkakilanlan kay Cristo?

Panalangin:

Panginoon tulungan akong maniwala na ako ay kung ano ang sinasabi Mo. Tulungan akong gawing ang tinig Mo ang pinakamalakas na tinig sa buhay ko. Hayaan akong bigkasin ang Iyong puso sa aking puso.

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Speaking Life

Mga salita, salita, salita, mga salitang puno ng kapangyarihan! Mga salitang makakabuti o mga salitang makakasira. Nasa atin ang pagpili. Siyasatin natin ang makabuluhang kapangyarihang taglay ng ating mga salita.

More

Nais naming pasalamatan si Roxanne Parks para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang http://www.roxanneparks.com/home.html