Pananampalataya, Pag-asa, & Pag-ibigHalimbawa
Ang Tatlong Ito ay Nananatili
Agad na inihayag ni Apostol Pablo kung anong mahalaga sa 1 Mga Taga-Corinto 13, ang kabanatang madalas na tinutukoy na kabanata patungkol sa pag-ibig. Malamang na kahit hindi mga tagasunod ni Jesus ay alam ang taludtod na ito. Pagkatapos na ilarawan ang salitang pag-ibig nang detalyado at ibinahagi pa ang tungkol sa mga espiritwal na kaloob tulad ng propesiya at pagsasalita sa ibang wika, tinapos niya ang kabanata sa pagsasabing "Kaya't ang tatlong ito'y nananatili—ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig."
Bago tayo magpatuloy sa Gabay na ito, bigyang-kahulugan natin ang mga salitang iyon.
Pananampalataya: kumpiyansa o tiwala sa isang tao o bagay; paniniwala na hindi nakasalalay sa katibayan
Pag-asa: naising mangyari o maging totoo ang isang bagay
Pag-ibig: magkaroon ng pag-ibig o pagmamahal sa isang tao o bagay
Matapos na basahin ang mga ito, marahil ay nakaantig ito sa iyo. Ngunit bilang tagasunod ni Jesus, maaari pa nating gawing mas malalim ang kaunawaan sa mga salitang ito, higit pa sa kahulugan nito sa diksyonaryo na isinulat ng mga tao. Maaari nating hanaping tunay na maunawaan ang kanilang mga kahulugan na matatagpuan sa mga Salita ng Diyos, upang maipamalas natin ang mga ito sa ating buhay.
Sa 1 Mga Taga-Tesalonica 1:3, may nalaman tayong isang kamangha-manghang katotohanan tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Ito ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga mananampalataya sa Tesalonica: ang kanilang gawain ay "bunga ng pananampalataya," ang kanilang pagpapagal ay "dahil sa pag-ibig," at ang kanilang pagtitiis ay "dahil sa pag-asa." Ang kanilang pananampalataya ang nagpakilos sa kanila, ang kanilang pag-ibig ang siyang nagtulak sa kanilang maglingkod sa mga tao, at ang kanilang pag-asa ang tumulong sa kanilang magtiis. Ang totoo, ang pananamapalataya, pag-asa, at pag-ibig ang mga nag-uudyok sa pagtatrabaho, pagpapagal, at pagtitiis. Ang mga bagay na hindi natin nakikita ang siyang madalas na nagbubunga ng mga bagay na nakikita natin.
Magkakaroon ng mga panahon sa ating buhay kung saan ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig ay halos mawala na, at dahil hindi natin nararamdaman ang mga ito, madalas ay hindi tayo kumikilos. Kung nais nating makatiyak na tayo ay lumalakad sa pananampalataya, kumikilos nang may pag-ibig, at nagtitiis nang may pag-asa, kinakailangan nating unawaing mabuti ang bawat salita. Gawin nating adhikain ang maunawaan ang ibig sabihin ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, at kun paano natin maaari—at nararapat—na ipamuhay ang mga ugaling ito sa mundong ating ginagalawan.
Isang bagay ang malaman kung ano ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig, ngunit ibang-iba pagdating sa pagpapahayag nito. Kailangan nating kunin ang nalalaman natin at tunay ngang simulang ipamuhay ito. Habang tayo'y natututo at naipapamuhay ang mga katotohanang ito, magiging mas mabuting bersyon tayo ng ating mga sarili ayon sa pagkatawag sa atin ng Diyos. At makikita rin nating magbabago ang lugar natin dito sa mundo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Isinulat ni Apostol Pablo na sa lahat ng mga bagay sa buhay, tatlong bagay ang nananatili: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Anong ibig sabihin nito para sa ating mga tagasunod ni Jesus, at paano natin ito maipapamuhay? Sa 4-na-araw na Gabay na ito, matututunan pa natin nang higit ang tungkol sa mga katangiang ito, at mauunawaan kung paanong maipapamuhay ang isang buhay kung saan araw-araw nating ipapakita ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.
More