Buhay na Pag-asa: Ang Pagbibilang Tungo sa Pasko ng PagkabuhayHalimbawa
"Bakit Mo ako pinabayaan?"
Isipin mong pinanonood mo si Jesus habang nasa krus. Ang tanging paraan upang Siya'y makahinga ay kung itutulak Niya ang katawan Niya gamit ang mga pakong nasa Kanyang pupulsuhan at bukung-bukong.
Sa pagtatapos ng araw, tinipon Niya ang natitira pa Niyang lakas upang hilahin ang sarili Niyang pataas para sumigaw ng: "Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?"
Kung magiging tapat tayo sa ating mga sarili, malamang ay nagkaroon na tayo ng mga pagkakataon kung saan tinanong natin ang Diyos, "Nasaan ka sa pagkakataong ito? Bakit pinabayaan Mo ako?"
Paano tayong tutugon kapag natatagpuan natin ang mga sarili natin sa mga sitwasyong pakiramdam natin ay nag-iisa tayo, nababalisa, o pinabayaan?
Ang mga salitang binigkas ni Jesus sa krus ay kinuha sa Mga Awit 22—isang panaghoy na sinulat ni Haring David. Sa maraming bagay, ang Awit na ito ay tungkol kay Jesus, ngunit nagbibigay din ito sa atin ng 3 hakbang na maaari nating gawin kapag pakiramdam natin ay nag-iisa tayo:
1. Maging tapat sa Diyos kung anong nararamdaman mo.
Ang mga relasyon ay nagsisimula sa pagiging totoo. Kaya't kung nararamdaman mong pinapabayaan ka ng Diyos, sabihin mo ito sa Kanya. Magtanong ka sa Diyos, at ihanda ang puso mong marinig ang Kanyang sagot.
2. Ibigay pa rin ang luwalhati sa Diyos.
Ang nararamdaman natin ay hindi nakakapagbago sa katotohanang karapat-dapat sambahin ang Diyos. Sa totoo lang, madalas na sa pamamagitan ng pagsamba natin ay natutuklasan ang gamot sa pag-aalala. Kapag itinutuon natin ang isip natin sa kung sino ang Diyos, ang pananaw natin ay nagbabago—kahit pa ang sitwasyon ay hindi nagbabago.
3. Ipaalala sa Diyos ang Kanyang mga pangako.
Sa kabuuan ng Awit 22, sinasabi ni David sa Diyos, "Kilala Kita. At dahil lagi kang totoo sa Iyong katangian, iligtas Mo ako tulad ng ginawa Mong pagliligtas sa Iyong bayan noong nakaraan." Ang pagpapaalala sa Diyos ng Kanyang mga pangako ay hindi lamang isang kilos ng pananampalataya, kundi nakakatulong din ito sa ating maalala ang katapatan ng Kanyang katangian.
Higit sa lahat, ang katapatan ng Diyos ay nakita sa katauhan ni Jesus nang Siya ay ipinako. Kusang-loob na nagdusa si Jesus sa krus upang maranasan natin ang walang hanggang pakikisama sa Diyos. Si Jesus ang katuparan ng propesiya sa Awit 22. At, dahil tiniis Niya ang pagkahiwalay sa Diyos, hindi na natin kailangang maranasan ito.
Maglaan ng ilang sandali upang magnilay patungkol sa pinakadakilang sakripisyo ni Jesus para sa iyo.
Manalangin: Jesus, salamat at iniligtas Mo ako sa walang hanggang pagkahiwalay sa Iyo. Dahil kusang-loob Mong tiniis ang pagkahiwalay sa Iyong Ama, hindi ko na kailangang maranasan ito. Sa araw na ito, tulungan Mo akong sandaling huminto at magnilay sa laki ng Iyong sakripisyo, at ibigay ang kaluwalhatiang karapat-dapat sa Iyo. Ano mang ang aking nararamdaman, Ikaw ay marapat sa aking pagsamba sa tuwina. Kaya't sa araw na ito, pinipili kong sambahin Ka. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag napapalibutan ka ng kadiliman, paano kang tumutugon? Sa susunod na 3 araw, puspusin ang sarili sa kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay at tuklasin kung paanong manghahawakan sa pag-asa kapag pakiramdam mo ay pinabayaan ka, nag-iisa, o hindi karapat-dapat.
More