Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Bagong Buhay: LayuninHalimbawa

Living Changed: Purpose

ARAW 5 NG 5

Mga Tuwid na Landas

Ang pagsasabuhay ng ating layunin sa buhay ay nangangahulugang pamumuhay na isinusuko lahat sa Diyos. Kapag tayo ay sumusuko sa Kanyang kalooban, hindi ito ibig sabihin na uupo na lang tayo at walang gagawin. Ibig sabihin nito ay patuloy na paghahanap sa Kanya habang tayo ay umaabante. Ipinapangako sa Biblia na gagawin Niyang tuwid ang ating mga landas, ngunit para magabayan Niya ang ating mga hakbang, kailangang patuloy tayong humahakbang.

Ilang taon na ang nakalipas, binigyan ako ng Diyos ng pananaw at kagustuhang magsimula ng isang ministeryo na tutulong sa mga kababaihan sa lahat ng edad na matutunan kung paanong pinag-uugat ang kanilang pagkakakilanlan kay Cristo. Sa panahong iyon,wala akong ideya kung papaano gagawin ang isang pangarap na ganyan kalaki. Siyempre, naiintindihan kong hindi ito mangyayari sa isang gabi lamang, pero hindi ko man lang alam kung saan ako magsisimula! Mangangailangan kami ng lugar, isang sanay na pangkat, pera, pinirmahang mga kontrata, at konsultang legal, upang pangalanan lamang ang ilan. sa halip na magapi, napagdesisyonan ko na gamitin ang mga pagkakataong inilagay ng Diyos sa aking landas at magtiwala sa Kanya sa kalalabasan. Pagkatapos ng ilang taon, nagkaroon kami ng una naming retreat. Alam kong hindi ito mangyayari kung hindi ako naging masunurin na gawin ang unang hakbang at sumuko sa Kanyang kalooban sa bawat hakbang.

Nagagalak ang Diyos tuwing hinahanap natin Siya sa ating mga desisyong ginagawa. Kahit na gumawa ako ng maling pagliko, nakikita kong binabago Niya ang aking landas at dinadala ako kung saan Niya gusto akong pumaroon. Maraming mga pagkakataon kung saan malinaw sa akin na gumawa Siya ng landas, at mga pagkakataon kung saan isinarado Niya ang pintuan. Naniniwala akong ginagawa Niya ang lahat ng ito dahil alam Niya na ang puso ko ay ang paglingkuran Siya. Kung kikilalanin natin Siya sa bawat sandali, isusuko ang ating hinaharap, at sisikaping gumawa ng mga desisyon na nagbibigay karangalan sa Kanya, ang Kanyang kalooban para sa ating buhay ay magiging malinaw.

Kahit na hindi ka nakakasiguro kung saan ang huling patutunguhan, tanungin ang iyong sarili kung anong hakbang ang sa pakiramdam mo ay nais ng Diyos na gawin mo. Kung magaling ka sa mga bata, pwede mong subukang maglingkod sa ministeryo para sa mga bata sa simbahan. Kung magaling ka sa pag-oorganisa, siguro ay magugustuhan mong tulungan ang inyong lokal na aparador ng mga damit na tumanggap ng mga bagong bagay at panatilihing maayos ang lahat. Kung hindi mo pa masabi kung saan ka dinadala ng Diyos, magsimulang mag-imbita ng mga tao sa simbahan. Bilang mga tagasunod ni Cristo, lahat tayo ay tinatawag na isama ang mas marami pang mga tao sa kawalang-hanggan.

Sinasabi sa Mga Taga-Colosas 3:23 na, “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.” (RTVP05). Sa madaling salita, simulan mong gamitin ang iyong mga talento at ibuhos ang iyong sarili sa paglingkod para sa Kanyang kaharian. Ang paggawa ng hindi tiyak na hakbang para bigyang karangalan ang Diyos, ay mas maigi pa kaysa sa walang ginagawa. Huwag mong hayaan na ang takot sa paggawa ng maling hakbang ang pumigil sa iyong pagsulong. Siya ay mapagkakatiwalaang gumawa ng isang bagay na pambihira mula sa iniaalay mo. 

Panginoon, salamat na kasama ako sa Iyong pangkalahatang plano. Alam kong may pananaw Ka para sa aking buhay, at nagtitiwala akong gagabayan Mo ang aking mga hakbang patungo sa layunin Mong nakaplano para sa akin. Tulungan Mo akong patuloy na unawain kung ano ang aking sinimulan sa pamamagitan ng gabay na ito. Tulungan Mo akong makita ang aking sarili sa pamamagitan ng iyong salamin ng katotohanan. Ipakita Mo sa akin kung ano ang mga bagay na nakakabagbag ng aking puso, kung saan ako magaling, ano ang aking nalampasan, saan Mo ako dinadala, at kung paano ang kabuuan ng mga pirasong ito ay ginagawa akong marapat upang gawin ang Iyong gawain. Ipagpatuloy Mo ang pagdadalisay sa akin upang ako ay maging handang maglingkod sa papel na inukit Mo para sa akin. Ang tanging kagustuhan ko ay bigyan Ka ng karangalan gamit ang buong buhay ko. Gabayan Mo ako at gawin Mong tuwid ang aking landas. Sa makapangyarihan at pinakamamahal na ngalan ni Jesus, amen. 

Dalangin namin na ginamit ng Diyos ang gabay na ito upang magministeryo sa iyong puso.
Tingnan ang ibang mga Binagong Buhay na mga Gabay sa Biblia
Alamin ang higit pa tungkol sa Changed Women's Ministries

Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Purpose

Naisip mo na ba minsan kung para sa anong gawain ka nilikha ng Diyos o naitanong sa Kanya kung bakit napagdaanan mo ang ilang mga karanasan? Ikaw ay bukod-tanging nilikha para sa isang sadya-sa-iyong tungkulin na ikaw lang ang makagagawa. Kahit tila naliligaw ka, o nag-aatubiling umabante, ang 5-araw na gabay na ito ay tutulong sa iyong magtiwala sa Diyos, upang maakay ka Niya tungo sa iyong layunin.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/