Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Bagong Buhay: LayuninHalimbawa

Living Changed: Purpose

ARAW 1 NG 5

Nilikha Para sa Layunin

Lahat tayo ay nilikha para matupad ang isang tiyak na layunin sa mundong ito. Kahit hindi natin ito piliing tanggapin, o maunawaang lubos, dinisenyo ng Diyos ang bawat tao na may pambihira't natatanging kombinasyon ng mga kaloob na nais Niyang gamitin natin sa pagpapalago ng Kanyang Iglesya. Salamat naman, naglagay ang Diyos ng mga hudyat sa ating mga puso at, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay ginagabayan tayo sa pagtuklas ng ating layunin.

Habang tayo'y mga musmos pa, napakalawak ng ating imahinasyon. Lumilikha tayo ng mga tau-tauhan at mga mundo kung saan kaya nating gawin ang anuman. Langit ang hangganan! Hindi pa natin natututunan kung ano ang dapat ikatakot o nasabihang hindi natin kaya. Hindi tayo nalilimitahan ng malulupit na katotohanan ng buhay o nag-aalala tungkol sa estado sa lipunan. May kumpiyansa tayo sa kung sino tayo at malayang isadula ang ating mga mithiin.

Naaalala ko pang naglalaro ako sa aming bakuran suot ang aking superhero na pantulog na magkapares na pantaas at pang-ibaba. Ako si Wonder Woman, inililigtas ang mundo mula sa peligro! Nakapamewang akong nakatayo sa aming balkon na nagbabantay, at sa unang hudyat ng peligro, lulukso ako upang isalba ang araw. Kahit buong araw na akong naglalaro, hindi ako nagsasawa.

Nang tumanda-tanda na ako, napag-isip-isip ko kung bakit nagustuhan ko ang ganoon noong maliit pa ako. Naging malinaw sa akin na kahit noong bata pa ako, ninais kong tulungan ang mga hindi kayang tulungan ang kanilang mga sarili. Bilang isang pastora, iyan mismo ang nagagawa ko ngayon. Walang pagod akong nagliligtas ng mga tao mula sa pintuan ng impiyerno sa pamamagitan ng pag-aakay sa kanila sa Tagapagligtas. Alam kong inilagay ako ng Diyos sa daigdig upang tumulong na mailigtas ang mga tao. Inilagay Niya ang kagustuhang iyon mula pa sa simula.

Maaaring hindi mo ginustong maging superhero. Sa halip, gabi-gabi ay naglalaro ka ng iyong mga manika, o nagtuturo ka sa mga nakaupong stuffed animals. Maaaring nagkunwari kang nagpapagaling ng mga maysakit, o nag-uulat ng balita, o tumutuklas ng mga bagong mundo. Anumang mga pangarap mo noong bata ka pa, hindi ito nagkataon lamang. Inilagay ng Diyos ang mga iyon para sa isang layunin. Kahit na nakumbinse ka na ng mundo na ang mga iyon ay nasa imahinasyon mo lang, naroon pa rin ang mga ito—kasama sa pagkakagawa Niya sa iyo.

Kung hindi ka sigurado sa layunin ng Diyos para sa iyo, tingnan mo kung anong mga bagay ang iyong pinangarap. Pag-isipan mo ang mga bagay na nagpaiyak sa iyo, ang umantig sa iyong puso, ang nagbigay ng alab sa iyo, ang nagdala ng makatuwirang galit sa iyo. Inilagay Niya ang mga bagay na iyon sa iyo, at nilikha kang natatangi para sa isang layunin na ikaw lamang ang makatutupad. 

O Diyos, salamat na nilikha Mo ako nang may isang tiyak na layunin sa Iyong isipan. Salamat sa paniniwala Mo sa akin at sa pagbibigay Mo sa akin kung anong talagang kailangan ko upang matupad ko ang Iyong pagkatawag sa aking buhay. Ihayag Mo sa akin ang masisidhing hangarin, pag-asa, at pagnanasang inilagay Mo sa aking puso at ipakita Mo sa akin kung paano ko silang gagamitin para sa Iyong Kaharian, Panginoon. Tulungan Mo akong mabuhay ayon sa Iyong kalooban at makapagbigay ng kaluwalhatian sa Iyo sa lahat ng aking sasabihin at gagawin. Sa matamis na pangalan ni Jesus, Amen.

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: Purpose

Naisip mo na ba minsan kung para sa anong gawain ka nilikha ng Diyos o naitanong sa Kanya kung bakit napagdaanan mo ang ilang mga karanasan? Ikaw ay bukod-tanging nilikha para sa isang sadya-sa-iyong tungkulin na ikaw lang ang makagagawa. Kahit tila naliligaw ka, o nag-aatubiling umabante, ang 5-araw na gabay na ito ay tutulong sa iyong magtiwala sa Diyos, upang maakay ka Niya tungo sa iyong layunin.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/