Sa Lahat ng BagayHalimbawa
Ang Ating Pinakamalaking Pananabik
Ang pera, kasikatan, mga relasyon, at tagumpay—lahat ng mga bagay na ating hinahabol— ay mga pamamaraan lamang patungo sa isang layunin. Ang ating pinakamalaking pananabik ay ang kaligayahan. Kapayapaan. Katiwasayan.
Umaasa tayo na mabibili ng pera ang kapayapaan natin o ang ating mga relasyon ay magbibigay sa atin ng kaligayahan. Ngunit ang buhay ay hindi gumagana sa paraang inaakala natin. Tumatambak ang mga bagay sa palibot natin at patuloy na bumibigo sa pagbibigay sa ating hinahanap. Ang pinakamatalik na mga relasyon ay maaaring magdala sa atin ng pinakamalaking kaguluhan. Kadalasan ang mga matagal na kinasasabikan na mga hangaring ito—kaligayahan, kapayapaan, katiwasayan—ay tila hindi natin maabot.
Ikaw at ako ay nangangailangan ng isang bagay na mas malaki pa kaysa sa kaya nating tipunin para sa ating sarili. Tayo ay nangangailangan ng isang bagay sa labas ng ating mga sarili, isang bagay na mas malakas, mas sigurado. Ang bagay na ito na ating hinahanap, ang bagay na inaasahan nating mahanap? Ito ay hindi naman talaga bagay. Ito ay isang tao.
Spoiler alert: Ito ay si Jesus.
Alam kong parang napakasimple pakinggan. Masyadong madali, hindi ba? Gayunpaman, marami pang mga bagay tungkol kay Jesus na hindi pa natin napagtanto. Siya ang manlilikha, tagapagtaguyod, at pinagmulan ng lahat ng mabubuting bagay, at sa Kanyang presensya ay may “kapuspusan ng kagalakan” (Mga Awit 16:11). Habang mas nakikilala natin si Jesus, mas lalo nating nakikilala ang kaligayahan, kapayapaan, at katiwasayan. Ang pag-aaral ng aklat ng mga Taga-Filipos ay makakatulong sa atin na maintindihan kung paano ang lalong pagkilala sa Kanya ay nagbibigay ng malaking pagkakaiba.
Ang aklat ng Mga Taga-Filipos ay isang imbitasyon sa kaligayahan, na isinulat ng nakakulong na si apostol Pablo para sa mga mananampalataya sa sinaunang simbahan na nagdurusa dahil sa oposisyon. Ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sulat ay “Magalak!”
Hindi matinag ang kanyang kagalakan. Ang kanyang kapayapaan ay sigurado. Ang kanyang pag-asa ay nag-uumapaw. Saan niya nakita ang lalim ng kayamanan sa gitna ng masasamang pangyayari? Saan nanggaling ang inuming pumuno sa kanya nang lubusan? Paano niya nalaman ang sikreto ng katiwasayan?
Pwede ko rin bang matutunan ito?
Ang lahat ng mga tanong na ito ay nasa isipan ko habang binabasa ko ang aklat ng mga Taga-Filipos nang paulit-ulit. Habang lalo akong nag-aaral, lalo kong nakikilala kung paano naiiba ang kaligayahan ni Pablo mula sa kaligayahan na kadalasan kong hinahanap. Madalas ay nakatakda ang aking puso sa ginto ng hangal at huwad na kayamanan sa halip na sa kayamanang natatagpuan kay Cristo. Ang mga makamundong bagay—ang perpektong tahanan, ang pangarap na trabaho, isang kamangha-manghang bakasyon, o seguridad sa pera—maaaring magbigay ang mga ito ng panandaliang kaligayahan ngunit paulit-ulit itong mabibigong magbigay ng kasiyahan. Hindi mali ang magsaya sa alinman sa mga bagay na ito; ang mga ito nga lang ay hindi sapat para sa pangmatagalang kasiyahan. Mabilis na nawawala ang kinang ng mga ito. Ang aking inaasahan at panalangin ay tayo ay maging mga kababaihang may nananatiling kaligayahan.
Ano ang nagdudulot ng pinakamalaking kaligayahan sa iyong buhay ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang liham na isinulat ni Pablo sa iglesia sa Filipos ay naisalinlahi sa mga henerasyon upang palusugin at hamunin ang ating mga puso at isipan sa ngayon. Ang limang-araw na gabay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan sa Aklat ng mga taga-Filipos, maraming siglo na mula pa nang binigyang-kapangyarihan ito ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo. Nawa ay punuin ka ng Diyos ng mga himala at pag-asa habang binabasa mo ang liham na ito ng kagalakan! Sapagkat hindi lamang ito basta salita ni Pablo sa lumang iglesia—Ito ay salita ng Diyos sa iyo.
More