Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 2:1-9

Ruth 2:1-9 RTPV05

Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.” Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan. Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas. “Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila. Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?” “Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.” Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ruth 2:1-9