Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth 2:1-9

Ruth 2:1-9 ASND

Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid ng taong magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan. Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Betlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang PANGINOON!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON!” Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumama kay Naomi na bumalik mula sa Moab. Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umaga tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya ng sandali sa kubol.” Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ruth 2:1-9