Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 11:11-32

Mga Taga-Roma 11:11-32 RTPV05

Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mawasak? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik loob sa Diyos ang buong Israel! Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol ninyo, ipinagmamalaki ko ang aking tungkulin. Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay! Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo. Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya sa Diyos, at ikaw naman ay idinugtong dahil sumampalataya ka sa kanya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? Dito'y makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na salungat ang ganoon sa takbo ng kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga tunay na sanga nito. Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay pansamantala. Tatagal lamang iyon hanggang sa mabuo na ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. Kapag nangyari iyon, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat: “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas. Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. At ito ang gagawin kong kasunduan namin kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.” Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila ngayon ang kanyang habag. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya