Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 11:11-32

MGA TAGA ROMA 11:11-32 ABTAG01

Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho. Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila? Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila. Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay? Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga. Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo, huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo. Sasabihin mo nga, “Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib.” Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka. Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan. Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin. At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di-pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanib na muli. Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo? Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil. Sa ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat, “Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas; ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.” “At ito ang aking tipan sa kanila, kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.” Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno. Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago. Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway, gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag. Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya