Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 6:8-17

Pahayag 6:8-17 RTPV05

At ang nakita ko nama'y isang kabayong may maputlang kulay. Ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan, at kasunod niya ang daigdig ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop. Inalis ng Kordero ang panlimang selyo, at nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa matapat na pagsaksi nila rito. Ubos-lakas silang sumigaw, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Huwag na po ninyong patagalin ang paghatol at pagpaparusa sa mga taong pumatay sa amin.” Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kasamahan sa paglilingkod kay Cristo, na papatayin ding tulad nila. At inalis ng Kordero ang pang-anim na selyo. Lumindol nang malakas, ang araw ay nangitim na parang damit na panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. Nalaglag mula sa langit ang mga bituin, parang mga bubot na bunga ng igos kapag binabayo ng malakas na hangin. Naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga pulo. Nagtago sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. At sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami para makubli kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at makaiwas sa poot ng Kordero! Sapagkat dumating na ang malagim na araw ng pagbubuhos nila ng kanilang poot, at sino ang makakatagal?”