Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 6:8-17

Pahayag 6:8-17 ASND

At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades. Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop. Nang tanggalin ng Tupa ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Dios. Sumisigaw sila nang malakas, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?” Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Dios, na papatayin ding tulad nila. Nang tanggalin ng Tupa ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at pumula ang buwan na kasimpula ng dugo. Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin. Naalis ang langit na parang binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila. Nagtago sa mga kweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari, mga namumuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at ang lahat ng klase ng tao, alipin man o hindi. Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Tupa. Sapagkat dumating na ang araw na parurusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”