Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Ubos-lakas siyang sumigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay tahanan na lamang siya ng mga demonyo, bilangguan ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.” Narinig ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi, “Umalis ka sa Babilonia, bayan ko! Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan, upang hindi ka maparusahang kasama niya! Sapagkat abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya, at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa inyo, gumanti kayo nang higit pa sa kanyang ginawa. Punuin ninyo ang kanyang kopa ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa inyo. Kung paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan, palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian. Sapagkat lagi niyang sinasabi, ‘Reyna akong tinatanghal! Hindi ako biyuda, hindi ako daranas ng kasawian kailanman!’ Dahil dito, sabay-sabay na daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw: sakit, dalamhati, at taggutom; at tutupukin siya ng apoy. Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”
Basahin Pahayag 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Pahayag 18:1-8
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas