Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 18:1-8

APOCALIPSIS 18:1-8 ABTAG01

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian. At siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Ito'y naging tirahan ng mga demonyo, pugad ng bawat espiritung karumaldumal, at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon; sapagkat lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid, at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.” At narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi, “Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko, upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan, at huwag kayong makabahagi sa kanyang mga salot; sapagkat ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit, at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan. Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa; sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit. Kung gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan, ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa. Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso, ‘Ako'y nakaupong isang reyna. Hindi ako balo at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’ Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya, kamatayan, pagluluksa at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”