Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 89:19-37

Mga Awit 89:19-37 RTPV05

Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita, sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya: “Aking pinutungan ang isang dakila, na aking pinili sa gitna ng madla. Ang piniling lingkod na ito'y si David, aking binuhusan ng banal na langis. Kaya't palagi ko siyang gagabayan, at siya'y bibigyan ko ng kalakasan. Di siya malulupig ng kanyang kaaway, ang mga masama'y di magtatagumpay. Aking dudurugin sa kanyang harapan, silang namumuhi na mga kaaway. Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad, at magtatagumpay siya oras-oras. Mga kaharia'y kanyang masasakop, dagat na malawak at malaking ilog. Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos, tagapagsanggalang niya't manunubos. Gagawin ko siyang panganay at hari, pinakamataas sa lahat ng hari! Ang aking pangako sa kanya'y iiral at mananatili sa aming kasunduan. Laging maghahari ang isa niyang angkan, sintatag ng langit yaong kaharian. “Kung ang mga anak niya ay susuway, at ang aking utos ay di igagalang, kung ang aking aral ay di papakinggan at ang kautusa'y hindi iingatan, kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila, sila'y hahampasin sa ginawang sala. Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David, ay di magbabago, hindi mapapatid. Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain, ni isang pangako'y di ko babawiin. “Sa aking kabanalan, ipinangako ko, kay David ay hindi magsisinungaling. Lahi't trono niya'y hindi magwawakas, hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat; katulad ng buwan na hindi lilipas, matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)