Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 78:38-72

Mga Awit 78:38-72 RTPV05

Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin, ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin; dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin, kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil. Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang, hanging di na nagbabalik matapos na makaraan. Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang; ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam. Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil, ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel. Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain, gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil. Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan, ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan. Yaong mga ilog doo'y naging dugong umaagos, kaya walang makainom sa batis at mga ilog. Makapal na mga langaw at palaka ang dumating, nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin. Dumating ang maninira sa taniman ng halaman, mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang. Pati tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo, anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro. Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay, sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan. Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos, kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob, mga anghel ang gumanap ng parusang sunod-sunod. Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan, yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan; dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw. Yaong lahat na panganay sa Egipto ay pinatay, ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham. Tinipon ang kanyang hirang na animo'y mga tupa, inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna. Inakay nga at naligtas, kaya naman di natakot, samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod. Inihatid sila ng Diyos sa lupain niyang banal, sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway. Itinaboy niyang lahat ang naroong namamayan, pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan; sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan. Ngunit sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos, hindi nila iginalang ang kanyang mga utos; katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod, nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros. Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit, nang makita ang dambana ng larawang iniukit. Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid, itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit. Kaya't kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo, yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao. Sagisag ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan, binayaan na mahulog at makuha ng kaaway. Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway, kaya naman ang marami sa kanila ay namatay. Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan, dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa. Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa, ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa. Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon; parang taong nagpainit sa alak na iniinom. Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali, napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi. Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil, at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim. Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda, at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya. Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo, katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako; lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito. Ang kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot, isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod. Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop, nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos. Matuwid na namahala, namalakad na mahusay, lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya