Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
pinatawad niya ang kanilang kasamaan
at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
Ginawa niyang dugo ang mga ilog nila,
upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
Kanyang pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
Ibinigay niya sa higad ang kanilang mga halaman,
at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
Sinira niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
poot, bagsik, at ligalig,
isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
Ang lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
Pagkatapos ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
At kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
At kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
Pinalayas niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.
Gayunma'y kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
at ang Israel ay kinayamutang lubos.
Kanyang pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
at ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.
Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.
Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
Pinili niya si David na lingkod niya,
at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
ng Israel na kanyang pamana.
Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.