Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
Ang lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
hinawi niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
Kapag araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
May tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
Sadya nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
Bunga nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.
Sa ganitong gawa ng Diyos, sunod-sunod na himala,
ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.