Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Awit 25:1-22

Mga Awit 25:1-22 RTPV05

Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot; sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos. Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan, at pagtawanan ako ng aking mga kaaway! Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan, at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian. Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan. Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas, na ipinakita mo na noong panahong lumipas. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan; ayon sa pag-ibig mong walang katapusan, ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan! Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan, itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan. Sa mapagpakumbabá siya ang gumagabay, sa kanyang kalooban kanyang inaakay. Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay, sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay. Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin, ang marami kong sala'y iyong patawarin. Ang taong kay Yahweh ay gumagalang, matututo ng landas na dapat niyang lakaran. Ang buhay nila'y palaging sasagana, mga anak nila'y magmamana sa lupa. Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan, ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan. Si Yahweh lang ang laging inaasahan, na magliligtas sa akin sa kapahamakan. Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan, pagkat nangungulila at nanlulupaypay. Pagaanin mo ang aking mga pasanin, mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain. Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin, at lahat ng sala ko ay iyong patawarin. Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway, at labis nila akong kinamumuhian! Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay, huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan, pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay. Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan, sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan. Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel, sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!