Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu, ako ba'y makakaiwas?
Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.