Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 139:1-16

Salmo 139:1-16 ASND

PANGINOON, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala. Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo. Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip. Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho. Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo. PANGINOON, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin. Lagi ko kayong kasama, at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga; hindi ko kayang unawain. Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala kayo? Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo; kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo. At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran, kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan. Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi; kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, PANGINOON, at ang gabi ay parang araw. Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag. Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin. Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina. Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin. Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga. Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina. Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang. Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Salmo 139:1-16