Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.
Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.