Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Kawikaan 1:8-19

Mga Kawikaan 1:8-19 RTPV05

Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama, at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina; sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo, parang kuwintas na may dalang karangalan. Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan, huwag kang papayag, tanggihan mo sila. Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang, bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay. Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin, at sila ay matutulad sa patay na ililibing. Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan, bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan. Halika at sa amin ikaw nga ay sumama, lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.” Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama, umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila. Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan, sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay. Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari, kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli. Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon, bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo. Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan, sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.