Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”
“Ito po ay isang ilang na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.
“Ilang tinapay pa ang natitira?” tanong ni Jesus.
“Pito po,” sagot nila.
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.
May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap kayo ng himala? Pakatandaan ninyo: kailanma'y hindi makakakita ng anumang tanda ang salinlahing ito.” At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes.” Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”
Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”
“Labindalawa po,” tugon nila.
“At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.
“Pito po,” muli nilang sagot.
“At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.
Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”
Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad.”
Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”
Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”
Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”
“Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?” tanong niya.
Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”
“Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.