Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 8:1-30

MARCOS 8:1-30 ABTAG01

Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain. Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?” At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.” Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao. Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito. Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno. Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila. At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta. Dumating ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya. At nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, “Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.” Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo. Noon ay nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka. Kanyang binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.” At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.” Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso? Mayroon kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan? Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.” “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?” Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya. Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?” Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.” Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag. At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.” Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?” At sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.” At tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.” Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.