Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 6:1-21

Marcos 6:1-21 RTPV05

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtatanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya't sila'y nagduda sa kanya at siya'y hinamak nila. Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Nagtaka siya dahil hindi sila naniwala sa kanya. Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan.” Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito. Nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.” Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito. Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea.