Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!
Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.
Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”
Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.
Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.
Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niya ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu.
At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis,
kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika.
Sinabi niya sa kanila, “Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon.
Kung mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”
Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi.
Nagpalayas sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
Nabalitaan ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”
Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”
Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”
Sapagkat si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.
Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”
Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,
sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.
Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.