Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 12:28-40

Marcos 12:28-40 RTPV05

Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus. Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? Hindi ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’” Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?” Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at nagagalak na sila'y igalang ng mga tao. Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”