Lumapit ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”
Sumagot si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.
Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’
Ang pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”
Sinabi sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.
Ang siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”
Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.
Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?
Si David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’
Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.
Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan.
At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.
Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”