Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 25:31-46

Mateo 25:31-46 RTPV05

“Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’ “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’ “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.’ “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’ “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’ “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”