“Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono. Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing. Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa. Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo. Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan? Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’ At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’
“Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom. Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’ Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’ At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’ Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”