Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa.”
“Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.
Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”
Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Sinabi niya sa kanila, “Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.”
Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.
“Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya.” At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.
“Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”
“Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”
“Hindi po,” tugon nila.
Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.
Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad.