At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua.
At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo'y magsikain.
At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda?
At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan.
At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?
At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda.
At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.
At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya.
At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap:
Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Ito'y hindi ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Dios.
At siya'y tumanggap ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin:
Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios.
At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.
Datapuwa't narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang.
Sapagka't ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya!
At sila'y nagpasimulang nangagtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.
At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila.
At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila'y tinatawag na mga Tagapagpala.
Datapuwa't sa inyo'y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod.
Sapagka't alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa't ako'y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.
Datapuwa't kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin;
At kayo'y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama,
Upang kayo'y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo'y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel.
Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:
Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.
At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.
At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala.
At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi.
At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak.
Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan.
At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na.
At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad.