Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.
Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”
Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”
Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”
Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”
Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.’”
At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
“Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Sige ganoon din ang iyong gawin.”
Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, “Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”
Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya.”