At may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
Sinabi niya sa kanya, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?”
At sumagot siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
At sinabi niya sa kanya, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.”
Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”
Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay.
At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig.
Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig.
Subalit ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.
Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan.
Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.’
Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”
At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”
Sa pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay.
At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita.
Ngunit si Marta ay naaabala sa maraming paglilingkod. Siya'y lumapit sa kanya at sinabi, “Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.”
Subalit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kanya, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay;
subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.”