Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.”
“Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!”
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya'y banal!
Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.
Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”