Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 1:26-55

LUCAS 1:26-55 ABTAG01

Nang ikaanim na buwan, sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret, sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria. Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos. At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.” Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang lalaki.” At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos. Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.” At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel. Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol. Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo. Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan! Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.” Sinabi ni Maria, “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin. Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay at banal ang kanyang pangalan. Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya sa lahat ng sali't-saling lahi. Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig; pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso. Ibinaba niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono, at itinaas ang mga may abang kalagayan. Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay, at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin, bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan. Tulad nang sinabi niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”