Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong pawang masasama ang mga gawa nito. Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta sapagkat hindi pa ito ang tamang panahon.” Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagsimula na namang magturo. Nagtataka ang mga pinuno ng mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. Ang nagtuturo ng galing sa sarili niyang kaisipan ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay taong tapat at hindi sinungaling. Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”
Sumagot ang mga tao, “Isa kang hangal! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. Ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli kahit na hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. Kung tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil sa nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? Huwag na kayong humatol batay sa nakikita, kundi humatol kayo ayon sa nararapat.”
Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? Hayan! Lantaran siyang nangangaral, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya na nga ang Cristo! Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat pagtiwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon. Marami sa mga tao ang nanalig sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, makakagawa kaya siya ng mga himalang higit pa sa mga ginawa ng taong ito?”
Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo upang dakpin si Jesus.
Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang nasa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
Sa kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin, at ang lahat ng nananalig sa akin ay uminom. Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’” Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa muling nabuhay at niluwalhati.
Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit mayroon namang sumagot, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Hindi ba sinasabi sa kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Gusto ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang mangahas na humuli sa kanya.
Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”
Sumagot sila, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad niya!”
“Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya, kaya't sila'y mga sinumpa!”
Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”
Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”
[Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.