Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.
Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”
At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.
Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim.
Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, “Saan siya naroroon?”
Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, “Siya'y mabuting tao.” Sinasabi naman ng iba, “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”
Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio.
Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.
Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”
Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.
Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.
Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.
Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”
Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”
Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.
Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.
Kung ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?
Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”
Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?
At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?
Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”
Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad, subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.
Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus. Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.
Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”
Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?
Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”
Nang huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.
Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”
Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.
Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”
Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?
Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”
Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.
Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.
Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”
Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”
Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?
Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?
Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”
Sinabi sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),
“Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”
Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”
[At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.