Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 7:7-53

Juan 7:7-53 ASND

Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea. Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.” Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.” Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya. Sa kabila nito, marami pa rin sa mga tao ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Cristo, dahil walang makakahigit sa mga himalang ginagawa niya.” Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardya sa templo na dakpin si Jesus. Sinabi ni Jesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama, at pagkatapos nitoʼy babalik na ako sa nagsugo sa akin. Hahanapin nʼyo ako, pero hindi nʼyo makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” Nagtanungan ang mga pinuno ng mga Judio, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griego, kung saan nagsipangalat ang mga kapwa natin Judio, para mangaral sa mga Griego? Bakit kaya niya sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan’?” Nang dumating ang huli at pinakamahalagang araw ng pista, tumayo si Jesus at sinabi nang malakas, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa akin.” (Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Banal na Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa nakabalik sa langit si Jesus.) Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya. Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.” Sinabi ng mga Pariseo, “Kung ganoon, pati kayo ay naloko na rin ng taong iyon? May nakita na ba kayong mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya? Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ni Moises ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Dios!” Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemus, na minsang dumalaw kay Jesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya, “Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis at inaalam kung ano ang ginawa niya?” Sumagot sila kay Nicodemus, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.” [Pagkatapos nito, nag-uwian na silang lahat.]

Kaugnay na Video