Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 6:1-28

Juan 6:1-28 RTPV05

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang pagpapagaling niya sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin. Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.” Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!” Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok. Nang magtatakip-silim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. Biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan. Alam ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Alam rin nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Kinabukasan, dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.” Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”